MENU

Sec. Mamondiong: TESDA tutulong sa mga biktima ng bagyong “Ompong


September 17, 2018

Agad na kumilos si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General/Secretary Guiling “Gene” Mamondiong  upang tumulong sa national government na maibangon ang mga lugar na sinalanta ng nagdaang bagyong Ompong  kung saan labis itong na nanalasa sa mga lalawigan sa Northern  Luzon.

Bunsod nito, inatasan ni Mamondiong ang lahat ng TESDA regional directors na pakilusin lahat ng mga empleyado ng ahensya para tumulong sa mga biktima ng bagyo.

Sa ipinalabas nitong urgent memorandum order, ipinaliwanag ni Sec. Mamondiong na ang TESDA bilang bahagi ng national government machinery ay kailangang makipagtulungan sa pagbibigay ng  ayuda sa  mga apektado ng national calamity, kaya pinakilos nito ang lahat ng TESDA regional at  provincial officials sa Luzon at Metro Manila na gamitin ang mga resources ng ahensya at anumang resources na  legal at moral na magagamit para matulungan ang mga apektado ng bagyong Ompong.

“Our help should be immediate and direct,” ani Mamondiong.

Inatasan din nito ang kanyang mga opisyal na araw-araw na gumawa at magsumite ng ulat  kaugnay sa  lawak nang  naibibigay na tulong ng TESDA sa mga biktima,  kaya hinimok niya ang mga ito na personal na bumisita sa mga apektadong lugar.

“If it is direct training that we need to undertake, we must.  If the displaced population needs shelter and our center are available, we must make these centers available,” dagdag pa nitong utos.

Ayon sa TESDA chief, lahat ng regional and provincial directors ay dapat  na maging malikhain sa pagkalap ng mga  resources na puwedeng magagamit sa pagbibigay ng tulong.  Aniya, kung kinakailangan ay makipag-ugnayan ang mga ito sa mga katuwang o kabalikat ng ahensya sa TVET sector upang makahingi ng tulong para sa nasabing layunin.

Ang TESDA ay isang national government authority sa technical vocational education and training (TVET) at nagbibigay ng direksyon at gumagabay sa TVET sector ng bansa.  Ito rin ang gumagawa ng mga polisiya at plano para sa TVET na magsisilbing “blueprint” para sa pagpapatupad ng TVET sa bansa.

Aniya, bilang national government TVET authority, ang TESDA ay nagpapatupad ng  technical education and skills development program (TESD) at nagbibigay ng pantay na karapatan   sa bawat mamayang Filipino sa mga programan ito.  Ito ay nagpapatupad ng mga direktang training sa pamamagitan ng apat na training modalities —school-based, center-based, enterprise-base at community based.




Back to List