MENU

Hairdresser, college dean nanalo sa 2019 TESDA Idols


September 5, 2019

TAGUIG CITY – Inihayag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang dalawang National Winners para sa 2019 Idols ng TESDA Award sa idinaos na seremonya na ginanap sa   headquarters ng ahensiya sa Taguig City, Agosto 30.

Si Imelda I. Blancia mula Region III, isang professional hairdresser na ngayo’y nagmamay-ari ng salon at training center, ang itinanghal na National Winner sa Self-employed Category na nakakuha ng kabuuang puntos na 79.42%. Siya ay may-ari ng Mel Blancia Learning Institute at Mel Blancia Salon and Skin Care sa Malolos, Bulacan.  Si Blancia ay may TESDA National Certificates (NCs) sa Hairdressing, Beauty Care, Hilot (Wellness Massage), Food and Beverage Services, at Dressmaking.

Samantala, sa Wage-employed Category, si University of Cebu college dean at instructor Dr. Richie L. Montebon ay idineklarang National Winner na may kabuuang puntos na 81.83%.  Siya  rin ang tumanggap ng  Batang TESDA! TESDA Best! special award.  Si Montebon ay may hawak na tech-voc qualifications na  kinabibilangan ng NCs sa Events Management Services, Housekeeping, Bread and Pastry Production, Cookery, at Driving.

Ang ibang winners sa Self-Employed Category ay kinabibilangan ng dating OFW na naging   automotive trainer na si Marcelino C.  Cotelo mula sa National Capital Region bilang   first runner-up, habang ang   tech-voc trainer na si Zander Amadeo M. Prospero, taga-Batangas, ang nakakuha ng 2nd runner-up.

 Ang bumuo sa listahan ng mga nagwagi sa Self-Employed Category ay si Marvin G. Eslava, isang tech-voc trainer at may-ari ng Mr. M’s Event and Catering sa Isabela, na siyang tumanggap ng Batang Technopreneur special award.

Sa ilalim ng wage-employed category, idineklarang first runner-up si agriculturist at author Dr. Donata L. Valler mula Bicol, habang ang   second runner-up ay ang electrician at academician na si Engineer Rennie E. Miculob ng Northern Mindanao.

Sa Self-employed Category, ang mga nanalo ay pinili mula sa 10 kabuuang bilang ng mga nominees mula sa 10 regional offices. Samantala, mayroon namang 14 nominees mula 14 rehiyon ang Wage-employed Category.

Lahat ng regional nominees ay tumanggap ng trophies at plaques.  Ang National Winners ay pinagkalooban ng P25,000 cash prize bawat isa, ang first runners-up ay tumanggap ng P20,000 bawat isa, at ang second runners-up ay nakakuha ng P15,000 bawat isa.

Ang mga special awardees ng   Batang TESDA! TESDA Best! At Batang Technopreneur ay nanalo rin ng P25,000 bawat isa.

 Ang Idols ng TESDA Award, na isinasagawa bilang  pagkilala sa mga natatanging TVET graduates ng ahensiya, ay isa sa mga Institutional Awards ng TESDA na taunang iginagawad  sa pagdiriwang ng anibersaryo ng ahensiya at National Tech-voc Day.

Ang mga kuwalipikadong kandidato ay mga TVET graduates na Filipino citizens, dapat 21-taong gulang, at may natatanging naabot na tagumpay kaugnay sa napiling trabaho  sa loob ng tatlong taon.   Dapat din silang hinirang ng alinmang lehitimong civil, social, religious, labor o industry organizations na  kinabibilangan  nito na may kaugnayan sa kanyang trabaho o negosyo. 




Back to List