MENU

TESDA nagbabala sa publiko kaugnay sa mga pekeng NCs


September 18, 2019

Pinag-iingat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang publiko  kaugnay  sa naiulat na mga pekeng National Certificates (NC)  sakaling ang mga ito ay iaalok sa kanilang lugar.

Kasunod  sa pagkakaaresto sa 46-anyos na kinilalang si  Ricky Calunsag Esteves  sa pagbebenta ng mga pekeng  NCs noong Agosto 15 sa kanyang bahay sa Ipil, Zamboanga Sibugay, inatasan ni  Secretary Isidro Lapena ang mga regional at provincial directors  ng ahensiya sa  Zamboanga  Peninsula (Region lX)  na kondenahin ang nasabing illegal na gawain at isulong ang mas malawakang kampanya  para mapangalagaan  ang integridad ng  National Certificates na iniisyu ng  TESDA.

Sinabi ng provincial director ng   TESDA Zamboanga Sibugay,na  ang pulisya at militar  sa lugar ay mahigpit na sinubaybayan si Esteves nang makarating sa kanila ang ulat na mga  pekeng  NCs ang  ibinebenta nito  sa mga aplikante ng PNP at militar. Kasunod nito, agad na nagsagawa ng operasyon upang mahuli sa akto si Esteves.

Si Esteves ay agad na inaresto kaugnay sa paglabag sa Article 172 (Falsification by private individual and use of public documents) ng Revised Penal Code. Kasalukuyan siyang  nakakulong sa   municipal jail facility at nahaharap sa parusang  prison correctional o pagkakulong  ng anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon  at multang hindi tataas sa P5,000 dahil sa paggawa at pagbebenta nito ng mga pekeng NCs.

Matapos matanggap ang ulat sa pagkakaaresto, ang regional director ng TESDA Zamboanga Peninsula ay agad na inatasan  ang  mga kinaukulang provincial office  na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa layuning mapalakas ang kaso laban kay Esteves, at  nanawagan sa publiko na ireport ang anumang aktibidad sa pamamahagi ng NC sa labas  ng mga tanggapan ng TESDA.  “In the spirit of participatory governance, I denounce this crime and I appeal to the public to work with us in protecting the integrity of TESDA's processes,” dagdag pa ng regional director.

Ang TESDA  lamang ang  awtorisadong  ahensiya  na maaring mag-isyu ng National Certificates para ma-assess at ma-validate ang mga skilled workers  sa ilalim ng isang kuwalipikasyon.  Ang NCs ay ibinibigay matapos pumasa ang mga manggagawa  sa Competency Assessment Examination kung saan aktuwal silang sinusubukan  kung magagampanan nila ang  kanilang kasanayan  sa kanilang  pagtatrabahuhan.

Pinahahalagahan din ng TESDA  ang integridad   ng   qualification system nito alinsunod sa Philippine TVET Competency Assessment and Certification System (PTACACS) sa pagsertipika  sa mga  middle-level workers para matiyak ang kanilang pagtupad sa  paggawa , kalidad, at  global competitiveness.  Ito rin ang pinakadahilan  sa paghihigpit ng akreditasyon sa mga  TESDA training at assessment centers, trainers, at  assessors sa loob at  labas ng bansa.

Madaling malalaman ng publiko ang mga authenticated NCs   mula sa mga pekeng NCs.  Ang TESDA-issued NCs ay naka-imprenta sa isang security paper, dry-sealed, may lagda ng Director General, at kakaiba ang pagkakaimprenta nito.

Dagdag pa dito, ang TESDA ay mayroong Registry of Certified Workers na makikita sa TESDA website upang madaling ma-check ng sinuman ang listahan ng mga certified workers para sa isang trabaho sa buong bansa. 

Ang TESDA ay naninindigan sa quality statement nito, patuloy na pagpapakita ng kakayanan, institutional integrity, commitment, at pagiging makabayan sa paghahatid ng serbisyo sa mga manggagawang Filipino. 




Back to List